-- Advertisements --

DAGUPAN CITY – Aminado ang Department of Agriculture (DA)-Region 1 na mababa ang suplay ng bakuna kontra rabies sa rehiyon.

Ayon kay Alternate Regional Rabies Coordinator Dr. Sigrid Agustin, maliit ang naging alokasyon ng budget sa pagbili ng bakuna kaya kaunti lamang o nasa halos 60,000 na bakuna ang naipamahagi nila sa bawat local government units (LGUs).

Hinikayat na aniya nila ngayon ang mga LGUs na magkusa nang bumili ng mga bakuna para makamit ng kanilang tanggapan ang target na 80% na ligtas sa rabies ang komunidad.

Anang opisyal, may mga report silang natatanggap na mas liliit pa sa susunod na taon ang allocated budget para sa anti-rabies vaccine kaya naman umaasa sila na magagawan ito ng paraan.