Nagdagdag ng mga bagong patakaran ang Department of Agriculture (DA) para matiyak na susundin na ng pork stakeholders at mga bahagi ng industriyang ito ang itinakdang maximum suggested retail price (MSRP) sa mga karneng baboy.
Ito ay bahagi pa rin ng pagtupad ni Agriculture Sec. Francisco Tiu Laurel Jr. sa kaniyang mga pahayag na magkakaroon na ng mas striktong implementasyon ang kanilang departamento sa pagbabantay ng compliance ng mga retailers sa itinakdang presyo ng mga naturang produkto.
Ayon kay DA Spokesperson at Assistant Secretary for Special Concerns and Official Development Assistance Engr. Arnel De Mesa, magkakaroon na ng card ang mga retailers para masundan ng kanilang departamento ang mismong pinagmumulan ng mga baboy na siyang ibinebenta sa publiko para matukoy kung saan nga ba nagkkaroon ng pagtaas ng presyo.
Dagdag pa dito, tinitignan na ng ahensya ang pagbawi ng mga shippiment permit ng mga traders kapag napatunayang hindi sumusunod sa napagusapang presyo ang mga ito.
Aniya, ilan pa lamang ito sa mga balak na ipatupad ng DA dahil kung kakailanganin aniya ay hihilingin ng departamento sa Kamara na imbitahin ang mga representatives ng mga biyaheros, traders, mangangatay, farmers at ng retailers para matukoy kung kanino at kung saan ba nagmumula ang problema sa mataas ng presyo ng pagbebenta ng mga karneng baboy sa mga pamilihan.
Samantala, umabot sa 88% ang compliance level ng mga pork producer habang nasa 40% naman ang sa retailers na umakyat ng 10% simula nitong Lunes.
Nakatutok naman ang ahensya sa mga palengke na nagbebenta pa rin ng mga produktong baboy na nasa P400-P450/kilo pa rin ang presyo gaya ng Pritil Market, Trabajo Market, at Cartimar Market.