Magpapakalat na ang Department of Agriculture ng mga checkpoint sa iba pang bahagi ng Luzon upang lalo pang mapigilan ang pagkalat ng African Swine Fever (ASF), kasunod ng lumalalang sitwasyon sa Batangas.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., kailangang ma-kontrol na ang mga karne ng baboy at mga prork products at mapigilan pa ang paglabas nito mula sa probinsya ng Batangas.
Kailangan din aniyang mapigilan ang posibleng pagpasok ng mga kontaminadong karne sa mga lugar na una nang nalinis mula sa epekto ng ASF.
Giit ng kalihim, magbabantay dito ang mga eksperto mula sa mga local office ng DA katuwang ang pulisya at maging ang kinatawan ng militar.
Magiging pansamantala lamang aniya ang mga checkpoint habang kinokontrol pa ang sitwasyon sa Batangas at iba pang lugar na nakikitaan muli ng pagtaas ng kaso.
Tiniyak naman ng kalihim na mayroong sapat na resources ang DA para tumugon sa lumalalang kaso ng ASF sa Batangas, kasama na sa iba pang bahagi ng bansa.
Naka-hanay aniya ang karagdagan pang hakbang para matiyak na ligtas ang mga baboy sa ibang lugar na hindi apektado ng ASF.