-- Advertisements --

Nakatakdang magpatupad ng mas striktong enforcement ang Department of Agriculture (DA) sa implementasyon ng mga naitalagang maximum suggested retail price (MSRP) sa mga produktong baboy para lamang matiyak na talagang susundin ng mga retailers ang mga naitalagang presyo nito.

Sa naging pagiikot ng departamento kasama ang mga opisyal mula sa Department of Trade and Industry (DTI) napansin na mas mura ang presyo ng mga karne ng baboy sa mga supermarkets kumpara sa mga palengke at lokal na pamilihan.

Ani Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., marami pa rin kasi ang hindi sumusunod sa napagusapang MSRP sa mga produkto.

Aniya, hindi naman kasi ganoon kabilis ang implementasyon ng MSRP’s sa mga naturang produkto at katunayan kasalukuyang nasa 30% pa lamang ang full compliance ng mga retailers sa buong bansa sa itinakdang presyo nito.

Samantala tiniyak naman ng kalihim na muling magkakaroon ng talakayan ang kanilang tanggapan kasama ang mga pork stakeholders para matukoy kung ano nga ba ang pinagmumulan ng mga isyu na ito.

Kasunod nito ay siniguro rin ng kalihim na ibababa pa kung maaari ang mga naitakdang MSRP’s sa mga produktong baboy, mas paiigtingin rin ang pagiikot ng kanilang departamento sa mga pamilihan at magdadadagdag rin ng enforcement sa mga pamilihan para mas sundin ng mga retailers at ng pork industry kung ano ang nauna nang napagusapan sa kanilang mga talakayan.

Samantala, nakikita naman ng departamento na wala sa mga retailers ang problema kung bakit nananatili sa mataas na presyo ang mga produktong ito kaya mas magkakaroon pa ng striktong implementasyon at kung kakailanganin ay magsasampa na ng reklamo o kaso ang departamento sa mga patuloy na lalabag dito.