-- Advertisements --
William Dar
DA Sec William Dar/ DA FB page

VIGAN CITY – Tiniyak ng Department of Agriculture (DA) na iimbestigahan nilang mabuti ang sistema ng rice importation sa bansa kung isa ito sa mga itinuturong dahilan kung bakit umaangal sa mababang presyo ng palay ang ilang magsasaka sa bansa.

Kaugnay nito, sinabi sa Bombo Radyo Vigan ni Agriculture Secretary William Dar na pinagsusumite na niya ang mga rice traders ng dokumento ng kanilang mga inangkat na imported na bigas upang malaman kung nagkaroon ba ng sobrang importasyon ng bigas kumpara sa pangangailangan ng bansa.

Ayon kay Dar, ang resulta umano ng imbestigasyong kanilang isasagawa ang magiging basehan kung magpapatupad ang DA ng tinatawag na general safeguard duty sa rice importation.

Maaalalang dahil sa rice tarrification law, bumaha ng imported na bigas sa merkado dahil pinayagan na ang pag-aangkat ng bigas ng mga rice traders sa kabila ng maraming suplay ng bigas ang mga magsasaka sa bansa.

Idinagdag ng kalihim na kung sakali mang makumpirma na sobra nga kaysa sa kailangan ng bansa ang mga inangkat na bigas ng mga rice traders ay hindi sila magdadalawang isip na magpataw ng mas mataas na taripa sa mga ito lalo na kung mapapatunayan na mas mababa ang presyo ng mga imported products kaysa sa normal value nito sa lokal na industriya.

Ang nasabing hakbangin umano ay nakasaad din sa Anti- Dumping Law na umiiral at sinusunod sa bansa.