-- Advertisements --

Nakipagkasundo ang Department of Agriculture sa pinakamalaking fertilizer manufacturer sa bansang Vietnam para sa pagsusuply ng sapat na pataba para sa mga magsasaka ng bansa.

Ito ay kasunod ng naging pagbisita ng DA sa pangunguna ni Secretary Francisco Tiu Laurel, Jr. sa naturang bansa at personal na binisita ang Binh Dien Fertilizer Joint Stock Company, ang leading producer ng pataba sa naturang bansa.

Bahagi ng naturang kasunduan ay ang pagpasok sa maayos at tuloy-tuloy na distiibusyon ng mga abono sa bansa, kasama na dito ang posibilidad ng paglilipat sa teknolohiyang ginagamit sa paggawa ng mga pataba.

Ang naturang teknolohiya ay magbibigay daan para sa posibilidad ng pagtatayo ng mga malalaking manufacturing plant sa Pilipinas.

Ayon kay Sec. Laurel, makikinabang ng husto ang bansa sa naturnag kasunduan dahil na rin sa advanced technology na ginagamit ng kumpanya na maaaring makuha o mapag-aralan ng Pilipinas.

Malawak aniya ang kadalubhasaan ng naturang manufacturer sa paggawa ng pataba at iba pang salik sa pagsasaka na maaring gamitin ng mga magsasaka ng bansa.

Ayon sa kalihim, ang ginawang pagbisita sa Vietnam ay bahagi ng pagtugon ng DA sa pagnanais ng Administrasyong Marcos na mapataas ang lokal na produksyon ng ibat ibang mga agricultural commodities sa Pilipinas.

Sa kasalukuyan, ang Vietnam ay isa sa mga pangunahing nagsusuply ng bigas sa Pilipinas. Taon-taon ay umaangkat ang Pilipinas ng daan-daan libong tonelada ng bigas sa naturang bansa.

———–