Kinontra ni Marikina Representative Stella Luz Quimbo ang katwiran ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na walang kapangyarihan and Department of Agriculture (DA) na pigilan ang pagtaas ng presyo ng bigas.
Sa pagdinig ng House Committee on Agriculture and Food noong Miyerkules, sinabi ni Quimbo na mayroong kapangyarihan ang DA sa ilalim ng Price Act at sa inamyendahang Rice Tariffication Law upang kumilos laban sa pagmamanipula ng presyo, pag-iimbak, pangongotong, at kartel sa industriya ng bigas.
Sinabi ni Laurel sa unang bahagi ng pagdinig, na kulang ang kapangyarihan ng DA upang matugunan ang mataas na presyo ng bigas at hinimok ang Kongreso na ipasa ang batas na magbibigay sa ahensiya ng mas malakas na kapangyarihan laban sa pagmamanipula ng presyo, pangongotong, at iba pang pang-aabusong gawain sa sektor ng agrikultura.
Gayunman, ipinunto ni Quimbo na ayon sa Section 10 ng Price Act, malinaw na nagbibigay kapangyarihan sa DA bilang ang ahensiyang magpapatupad para sa bigas. Pinapayagan ng batas ang kagawaran na magsagawa ng mga imbestigasyon, magpataw ng mga multa na hanggang P1 milyon, kumpiskahin ang produkto, at pagsasampa ng kaso.
Inusisa ni Quimbo ang pananatiling mataas na presyo ng bigas sa kabila ng oversuplly at pagbawas sa taripa sa ilalim ng Executive Order (EO) No. 62, mula sa 35% sa 15%.
Binanggit niya ang datos na nagpapakita na ang landed cost ng bigas ay bumaba mula P34.21 kada kilo noong Hulyo hanggang P33 noong Disyembre.
Hindi rin nakumbinsi si Quimbo sa dahilan ni Laurel, na binawi ng mas mahinang halaga ng piso ang pagbaba ng presyo ng bigas.
Sinang-ayunan din ni Department of Finance Director Jolly La Rosa ang paliwanag ni Quimbo, na ang pandaigdigang pagbaba ng presyo ng bigas ay mas malaki kaysa sa pagbaba ng halaga ng piso.
Ipinaalala ni Quimbo sa DA ang kanilang kapangyarihan sa ilalim ng inamyendahang Rice Tariffication Law, na nagpapahintulot sa kagawaran ng pagdedeklara food security emergenc at gamitin ang P5 bilyong pondo upang patatagin ang presyo ng bigas.
Hinimok ni Quimbo ang DA na gamitin ang buong kapangyarihan nito at panagutin ang mga negosyante sa hindi makatarungang pagtaas ng presyo.
Kasabay ng pagpuri kay Laurel sa pakikipagtulungan sa mga residente ng Marikina, nilinaw ni Quimbo na ang kanyang mga pahayag ay upang matiyak ang malinaw na pag-unawa sa mga legal na responsibilidad ng DA.