-- Advertisements --

VIGAN CITY – Muling umapela ang Department of Agriculture (DA) sa mga lokal na pamahalaan na paigtingin pa ang pagpapatupad ng lockdown upang hindi lalong kumalat ang African Swine Fever (ASF).

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ni Agriculture Secretary William Dar na marapat lamang na ayusin ng mga local government unit officials ang implementasyon ng lockdown laban sa nasabing sakit ng baboy lalo pa’t hindi na lamang sa Luzon laganap ito dahil maging sa Mindanao ay mayroon na ring naitalang kaso ng ASF.

Kasabay nito ay tiniyak ni Dar na mayroong sapat na suplay ng karne ng baboy sa mga pamilihan dahil ang mga apektado lamang umano ng ASF ay 1.7 porsyento mula sa 12.7 milyong national swine population.

Maliban pa rito, tiniyak din ng kalihim na stable ang presyo ng karne ng baboy dahil sapat naman ang suplay ng karne sa mga pamilihan.