Muling nagpatupad ng import ban ang Department of Agriculture laban sa mga poultry products na nagmumula sa South Dakota, USA.
Ito ay sumasaklaw sa mga domestic at wild birds, karne ng manok, itlog, semilya para sa artificial insemination, day-old na sisiw, atbpang poultry products.
Ginawa ng DA ang panibagong ban kasunod na rin ng natunton na umano’y pagkalat ng highly pathogenic avian influenza o bird flu.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., kinumpirma ng mga otoridad sa US na kumalat ang mapanganib na bird flu sa South Dakota at naapektuhan ang mga poultry farm doon.
Ang panibagong ban ay nakapaloob sa Memorandum Order No. 4 na inilabas ng kalihim kung saan inaatasan niya ang Bureau of Animal Industry na ihinto ang pagproseso at pagbibigay ng sanitary at phytosanitary import clearances para sa domestic at wild birds mula sa South Dakota.
Sa kasalukuyan, nakataas ang import ban sa ilang mga estado at bansa dahil pa rin sa iba’t-ibang sakit sa hayop na tulad ng bird flu at ASF.
Ayon kay Laurel, ang agarang paglalatag ng import ban ay mahalaga upang maprotektahan ang lokal na industriya ng paghahayupan sa bansa.