-- Advertisements --

VIGAN CITY – Muling nakikiusap ang Department of Agriculture (DA) sa mga local government units sa bansa na makipagtulungan sa ahensya upang masugpo ang African swine fever (ASF) virus sa mga alaga at hindi na lumaganap sa ibang bahagi ng bansa.

Ito ay matapos na kumpirmahin ng DA na umabot na sa lalawigan ng Camarines Sur ang nasabing virus sa maraming alagang-baboy na ang isinailalim sa culling operation.

Sinabi ni Agriculture Secretary William Dar sa panayam ng Bombo Radyo Vigan na kailangan umanong mas higpitan pa ng mga LGUs ang pagpapatupad ng quarantine checkpoint sa lahat ng entry at exit points ng kanilang nasasakupan upang matiyak na walang nakakapuslit na produkto na maaaring pagsimulan ng virus.

Naniniwala ang opisyal na mabilis lamang masugpo ang nasabing virus kung nakikipagtulungan ang mga LGU lalo na ang mga nasa local agriculture office pati na ang mga nag-aalaga ng baboy.

Ipinaalala rin nito sa mga magbababoy na kailangang mai-report o maipaalam kaagad sa kanilang tanggapan kung mayroong mga namatay na baboy sa kani-kanilang mga lugar.