Wala pa ring patid ang tulong na ibinibigay ng Department of Agriculture sa mga magsasakang naapektuhan ng mga pag-ulang dulot ng magkakasunod na pagtama ng shearline, northeast monsoon, at trough ng low-pressure area sa Caraga at Davao region.
Sa isang pahayag, sinabi ng ahensya na aabot sa mahigit P16-M na halaga ng binhi at concessional loans ang ipinamahagi ng gobyerno.
Nakinabang dito ang aabot sa 16,521 na mga magsasaka mula sa naturang mga rehiyon.
Pumalo naman sa ₱3.2-million ang kabuuang ipinamahagi ng DA sa mga probinsya nang Agusan del Sur, Agusan del Norte, Dinagat Island, Surigao del Norte, at Surigao del Sur sa Caraga Region.
Higit ₱13.4-million ang ipinaabot ng ahensya sa Davao Region.
Maliban sa mga nabanggit na financial aid, nag-alok rin ang DA ng zero interest loans mula sa Survival and Recovery Loan Program at assistance sa ilalim ng Quick Response Fund sa mga magsasaka.
Ito ay para sa early recovery at rehabilitasyon ng mga apektadong sakahan sa nabanggit na mga rehiyon.
Kung maaalala, pinangunahan nina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang distribusyon ng mga farm inputs at iba pang tulong sa mga apektadong magsasaka sa Caraga region kamakailan.
Batay sa datos ng DA, pumalo na sa mahigit ₱350-million ang naitalang danyos sa sektor ng agrikultura sa Davao at Caraga dahil sa mga nabanggit na weather condition.