-- Advertisements --
Department of Agriculture 1 1

Nagbabala ang pamunuan ng Department of Agriculture (DA) laban sa ilang mga ibinebentang frozen meat sa mga wet market sa ibat ibang bahagi ng bansa.

Payo ng DA sa mga konsyumer, kailangang hanapin nila ang tatak ng National Meat Inspection Service (NMIS) sa mga binibiling karne, upang masigurong malinis at dumaan sa inspeksyon ang mga ito.

Paliwanag ni DA Usec Deogracias Victor Savellano, nagdudulot ng peligro sa kalusugan ng mga konsyumer ang mga frozen meat na ibinebenta sa mga wet market.

Kalimitan kasi aniyang kulang sa kaalaman at kasanayan ang mga vendors na nagbebenta ng mga ito, maliban pa sa kawalan ng sapat na refrigeration facilities, kung kaya’t mistulang ipinupuslit na lamang nila ang pagbebenta ng mga naturang uri ng karne.

Batay sa DA Administrative Order 6-2012, ipinagbabawal ang pagbebenta ng frozen meat sa mga wet market sa buong bansa.

Pinapayagan lamang ito sa mga kainan, supermarket, at mga hotel na may maayos at akmang refrigeration facilities. Ang mga naturang establisimyento ay sumailalim din sa tamang pagsasanay para sa pag-iimbak at pagbebenta.

Patuloy namang hinihikayat ng kagawaran ang publiko na tangkilikin lamang ang mga sariwang karne, kapag bumibili sa mga wet market.