VIGAN CITY – Nagbabala si Agriculture Sec. William Dar sa mga nagtitinda at bumibili ng kanilang mga ipinapamahaging certified o hybrid seed sa mga magsasaka.
Sa panayam ng Bombo Radyo Vigan kay Dar, may natanggap silang ulat na umano’y may re-seller na nagtitinda ng mga buto sa Munoz, Nueva Ecija at ngayon ay kanila nang iniimbestigahan at inaasahan nitong hindi na mauulit pa sa ibang lugar.
Aniya, huwag nang ikalakal pa ang mga ibinibigay nilang tulong dahil hindi umano sila nakakatulong lalo na’t malaking krisis ngayon ang kinakaharap ng bansa dahil sa COVID-19 pandemic at ng nagdaang bagyo.
Nauna nang sinabi ng opisyal na sapat ang ayudang kanilang ibibigay sa mga magsasakang naapektuhan ng bagyo at mayroong iba’t ibang programa ang ahensya para sa kanila.