VIGAN CITY – Pagkakabilanggo ng lima hanggang 15 taon at multang hindi bababa sa P5,000 hanggang P2-milyon ang parusang haharapin ng mga abusadong food traders at retailers kasabay ng pagtaas ng presyo ng mga farm at fishery products sa merkado.
Sa impormasyong ipinadala sa Bombo Radyo Vigan ni Agriculture Sec. William Dar, sinabi nito na mahigpit umanong ipapatupad sa loob ng kaniyang panunungkulan bilang kalihim ang nakasaad sa Republic Act 7581 o Price Act of 1992.
Sa ilalim ng nasabing batas, pinahihintulutan ang DA na parusahan ang mga negosyanteng mang-aabuso sa supply ng mga agricultural products sa kanilang pansariling interes.
Kaugnay nito, ipinag-utos na umano ni Dar sa lahat ng mga concerned officials at staff ng DA na regular na imonitor ang food supply at price situation lalo na sa poultry, fishery at gulay dahil karaniwang nagkakaroon ng malaking diperensiya sa pagitan ng farmgate at market retail prices.