Naglagay ng livestock checkpoints ang Department of Agriculture (DA) sa buong Luzon upang pigilan ang mabilis na pagkalat ng African swine fever (ASF) sa Batangas.
Sinabi ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel na ang mga checkpoint ay pansamantalang hakbang habang hinihintay ng gobyerno ang pagdating ng mga ASF vaccines.
Saad pa nito, upang mas maging ligtas, mas maraming checkpoint ang ilalagay hanggang sa katapusan ng taon.
Sinabi ni Tiu Laurel na may resources ang DA para agad na tumugon sa biglaang paglobo ng mga kaso ng ASF sa bansa.
Gayunpaman, nalungkot ang kalihim sa pagkaantala sa pag-secure ng bakuna, na mahalaga uoang makontrol ang paglobo ng outbreak.
Ilang bayan na rin ang nagdeklara ng state of calamity kasunod ng pinakahuling pagputok ng ASF kung saan sinisisi ng DA ang mga hog traders na nagbebenta ng mga may sakit na baboy na nagdudulot ng problema.
Sinabi ng ahensya na natukoy na nito ang mga central burial sites para sa mga baboy na nahawaan ng ASF o yaong mga namatay mula sa virus.
Hindi bababa sa 64 na munisipalidad sa 22 probinsya ang naitala ng mga aktibong kaso ng ASF.