Pinaalalahanan ng Department of Agriculture(DA) – DRRM Operations Center ang mga magsasaka kaugnay sa pananalasa ng bagyong Jenny.
Batay sa abiso ng DA, mas mainam na mag-ani na ang mga magsasaka kung maaari nang anihin ang kanilang mga pananim, at gamitin ang mga post-harvest facilities.
Pinayuhan din ng kagawaran ang mga magsasaka na i-secure ang kanilang mga pananim, reserbang binhi, planting materials, pagkain ng mga hayop, tubig, at lahat ng mga alagang hayop.
Maliban dito, kailangan ding ilipat ng mga magsasaka ang kanilang mga makinarya, mga kagamitang pansaka, at mga alagang hayop sa mas mataas na lugar na ligtas mula sa mga pagbaha at mga pagguho ng lupa.
Kung ligtas pa sa mga bukirin, pinapayuhan din ng DA ang mga magsasaka na ayusin na kaagad ang mga drainage, irrigation, at iba pang lagusan ng tubig, upang maiwasan ang mga pagbaha.
Para sa mga mangingisda, pinayuhan din ng DA ang mga ito na agahang i-secure ang kanilang mga ginagamit na bangkang pangisda at mga kagamitan sa pangingisda.
Payo pa ng DA, huwag nang magpumilit pumalaot, lalo na kung mapansing matataas ang mga alon, at malalakas ang mga paghangin.
Tinukoy naman ng DA ang mga magsasakang naninirahan sa mga malapit sa karagatan, lalo na sa Extreme Northern Luzon, Batanes, at Cagayan.
Samantala, tiniyak naman ng DA na nakabantay ito sa anumang posibleng mangyari sa pananalasa ng bagyong Jenny, kasama na ang paghahanda sa mga tulong na maaaring ipamahagi sa mga magsasaka.