Bagaman hindi pa nagsisimula ang planong pagbebenta ng bigas sa P29 kada kilo, nagpaalala na ang Department of Agriculture (DA) sa mga konsyumer na huwag abusuhin ang naturang programa.
Ginawa ng ahensiya ang apela, kasabay ng posibilidad na babalik-balikan nanaman ng mga konsyumer ang mga murang bigas, gayong may limitasyon lamang sa volume na maaaring bilhin ng bawat pamilya.
Ayon kay DA Spokesperson Assistant Secretary Arnel de Mesa, target ng pamahalaan na makinabang ang mga marginalize sector sa naturang programa kayat kailangang unawain ng mga konsyumer na limitado lamang ang kanilang mabibili.
Paalala ng DA official sa mga konsyumer na huwag subrahan ang bibilhin bagkus ay pagbigyan din ang iba pa na kwalipikadong bumili.
Paliwanag pa ni De Mesa, ang naturang programa ay supplemental option lamang para sa mga mahihirap na pamilya upang mabasan ang kanilang mga gastusin.
Una nang inaprubahan ng National Food Authority(NFA) council ang pagbebenta sa mga lumang bigas ng NFA na maganda pa ang kalidad sa halagang P29 kada kilo.
Sa inisyal na plano, tanging ang mga kabilang sa marginalize sektor ang makakabili, katulad ng solo parents, PWDs, mahihirap na pamilya, atbpa.
Asahan namang mailalabas ng DA ang panuntunan sa pagpapatupad sa program, bago ang pagsisimula nito sa Hulyo, 2024.