-- Advertisements --

Nagpapatupad ng agarang hakbang ang Department of Agriculture (DA) upang maiwasan ang posibleng kakulangan sa itlog at pagtaas ng presyo sa bansa. 

Tugon ito ng DA sa gitna ng banta ng pandaigdigang bird flu crisis sa poultry supply chain.

Habang hindi pa nakararanas nang malawakang outbreak ang Pilipinas, nagbabala si DA Secretary Tiu Laurel na maaaring harapin ng bansa ang kakulangan sa suplay ng itlog sa unang bahagi ng Abril.

Upang matugunan ang isyu, pinabibilis ng DA ang pag-aangkat ng mga manok na nangingitlog at isinusulong ang agarang pag-apruba ng avian influenza vaccines ng Food and Drug Administration (FDA).

Sinisikap din ng ahensya na makakuha ng P300 milyon na pondo mula sa National Livestock Program para sa pagsusuri sa bakuna, na may posibilidad ng mass inoculation na magsisimula sa Marso.