-- Advertisements --
William Dar
DA Sec William Dar/ DA FB page

VIGAN CITY – Nagpasaklolo ang Department of Agriculture (DA) sa mga local government units sa bansa para tulungan ang ahensya na mabigyan ng ayuda ang mga hog raisers sa kanilang nasasakupan na apektado ng African Swine Fever (ASF) virus.

Ito ay sa gitna ng pag-amin ng DA na kulang ang pondo ng ahensya para sa mga magbababoy na apektado ng ASF.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, inamin ni Agriculture Sec. William Dar na kulang lamang ang kanilang pondo para sa cash assistance sa mga apektadong hog raisers at hindi totoong walang pondong nakalaan para sa nasabing programa.

Dahil dito, hiniling ni Dar na umagapay ang mga LGU at tulungan nila ang ahensya sa pagbibigay ng ayuda sa mga apektadong hog raisers na kanilang nasasakupan.

Sa kabila nito, muling tiniyak ng kalihim na maliban sa cash assistance ay mayroon pang loan assistance na maaaring i-avail ng mga apektadong magbababoy na aabot sa Php 30,000 na maaaring bayaran sa loob ng tatlong taon.