Nagpataw ang Department of Agriculture ng import ban sa mga poultry products sa Turkey dahil sa bird flu outbreak sa naturang bansa.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr., bahagi lamang ito ng pre-emptive measure ng ahensiya upang mabantayan ang poultry industry ng bansa, isang vital sector sa ekonomiya ng Pilipinas na nakakapaghatid ng maraming trabaho at pamumuhunan.
Unang nagpadala ng ulat ang mga veterinary authorities ng Turkey sa World Organization on Animal Health nitong Marso-5 kung saan inilahad ng mga ito ang outbreak ng H5N1 High Pathogenicity Avian Influenza sa Sarayduzu, Merkez.
Batay sa opisyal na report ng mga ito, apektado ang domestic poultry supply sa naturang lugar.
Dahil dito, pansamantalang ipagbabawal muna ang pag-angkat ng mga poultry meat, day-old chicks, itlog, at mga semen na kalimitang ginagamit sa artificial insemenation.
Kaakibat ng temporary ban ay ang pagtigil na ng DA na maglabas ng sanitary at phytosanitary import clearance sa mga inaangkat na poultry products mula sa Turkey.