-- Advertisements --

Ipinag-utos na ng Department of Agriculture ang pagpapatupad ng pansamantalang pagbabawal sa importasyon ng mga poultry products mula sa apat na states sa U.S dahil sa outbreak ng bird flu.

Kabilang sa mga lugar na ito ay ang Illinois, Minnesota, Ohio, at Wisconsin sa Estados Unidos.

Batay sa abiso ng ahensya na pirmado mismo ni Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr., ipinag-utos nito sa Bureau of Animal Industry na ihinto ang pag-iisyu ng sanitary at phytosanitary import clearances.

Partikular na para sa mga ibon, karne ng manok, sisiw, itlog, at semilya mula sa mga nabanggit na apektadong lugar sa naturang bansa.

Ginawa ng DA ang kautusan matapos na matukoy ng US Animal and Plant Health Inspection Service ang pagkalat ng H5N1 high pathogenicity avian influenza sa apat na states sa U.S.

Samantala, nilinaw ng ahensya na pinapayagan nila ang mga kargamento mula sa US na naipadala na at tinanggap sa pantalan bago nakumpirma ang pagkakaroon ng outbreak sa nasabing bansa.