Inaasahang ilalabas na ng Department of Agriculture(DA) ang pinal na desisyon nito ukol sa planong pagtanggal sa mga label ng imported na bigas na ibinebenta sa mga merkado.
Ito ay kasunod ng nunang pagpupulong na ginawa ng mga matatas na opisyal ng DA nitong Enero-2 para bumuo ng mga regulasyon ukol sa naturang plano.
Maalalang pinuna ni Agriculture Secretary Francisco Tiu-Laurel Jr. ang mga naturang label dahil sa umano’y pang-aabuso sa mga ito at ginagamit para manipulahin ang presyuhan ng bigas.
Ayon kay DA Assistant Secretary Arnel de Mesa, ang naunang pulong ay agad sinundan ng konsultasyon kasama ang iba’t-ibang grupo na nasa ilalim ng rice industry.
Sa lalong madaling panahon aniya ay ilalabas na rin ng DA ang mabubuong plano at guidelines ukol dito.
Nitong Disyembre-26, 2024 nang inanunsyo ni Sec. Laurel Jr. ang planong tanggalin na ang mga label na ‘premium’ at ‘special’ sa mga imported rice na ibinebenta sa merkado kasunod na rin ng ilang serye ng pag-iikot nito sa merkado at natuklasang inaabuso ang mga naturang label para bigyang-katwiran ang mataas na presyo ng bigas.