-- Advertisements --

Sinimulan na ng Department of Agriculture (DA) nitong Miyerkules ang pagpapalabas ng National Food Authority (NFA) rice stocks sa mga lokal na pamahalaan kasunod ng deklarasyon ng food security emergency.

Pinangunahan ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang turnover ng suplay ng bigas kay San Juan City Mayor Francis Zamora, pangulo ng Metro Manila Council.

Ayon sa DA Circular No. 04, nasa 150,000 sako ng NFA rice ang inilaan bawat buwan para sa Metro Manila, habang kabuuang 625,600 sako naman ang inilaan para sa iba’t ibang rehiyon.

Target ng DA na ipagpatuloy ang pagbili ng palay mula sa mga magsasaka gamit ang P9 bilyong pondo ng NFA para sa taong ito.

Ibebenta ang NFA rice sa publiko sa halagang P35 kada kilo sa pamamagitan ng Food Terminal Inc. (FTI), upang mapababa ang presyo ng bigas matapos ang pagtaas noong 2023.