Itinalaga ni Agriculture Sec. Francisco Tiu Laurel Jr. ang mga opisyal ng Department of Agriculture (DA) upang palakasin ang sektor ng bigas, hayop, at agrikultura.
Si Glenn Estrada ay itinalaga sa Fertilizer and Pesticide Authority, si Ralph Alan Ceniza sa National Rice Program, si Dr. Jonathan Sabiniano sa National Livestock Program, si Emerson Yago sa Rice Clustering and Consolidation, si Dr. Ronnie Ernst Duque sa National Meat Inspection Service, at si Arnold Atienza sa Philippine Fiber Industry Development Authority.
Ayon kay Tiu Laurel, layunin ng mga pagtatalagang ito na suportahan ang mga magsasaka, palakasin ang food security, at pasiglahin ang ekonomiya.
Si Glenn Estrada ang mangangasiwa sa regulasyon ng kalakalan ng pataba at pestisidyo upang matiyak na may access ang mga magsasaka sa mga mahahalagang input na nagpapataas ng produktibidad.
Samantala, si Senior Agriculturist Ralph Alan Ceniza ay itinalagang tutulong sa pagpapalakas ng mga pagsisikap ng gobyerno na pataasin ang produksyon ng bigas at makamit ang self-sufficiency sa pangunahing pananim.
Upang matugunan ang mga hamon sa industriya ng hayop, tulad ng mga paglaganap ng sakit at matamlay na merkado, itinalaga ng DA si Dr. Jonathan Sabiniano bilang program director ng National Livestock Program. Si Sabiniano ay susuportahan ni Alvin Paul Dirain bilang deputy program.
Dagdag pa rito si Emerson Yago bilang Director-Designate para sa Rice Clustering and Consolidation sa ilalim ng Masagana Rice Industry Development Program.
Ang kanyang trabaho ay magpokus sa pagpapahusay ng kooperasyon ng mga magsasaka at pagpapalaganap ng mga makabagong pamamaraan upang mapabuti ang produksyon ng bigas.
Si Dr. Ronnie Ernst Duque, kasalukuyang Director II sa DA, ay itinalagang officer-in-charge ng Deputy Executive Director’s office sa National Meat Inspection Service (NMIS).
Sisiguraduhin ni Duque na ang mga pamantayan sa inspeksyon ng karne ay tumutugon sa mga kinakailangan sa kaligtasan ng pagkain at kalidad ng pag-export.
Habang si Arnold Atienza ay itinalagang Executive Director ng Philippine Fiber Industry Development Authority (PhilFIDA). Pamumunuan ni Atienza ang mga pagsisikap na buhayin ang industriya ng hibla sa pamamagitan ng pagpapataas ng demand para sa mga produktong may mataas na halaga tulad ng abaca.
Sa pagtatalaga na ito ay nagpapakita umano ang DA ng dedikasyon na palakasin ang mga pangunahing sektor ng agrikultura upang suportahan ang mga magsasaka, mapahusay ang seguridad sa pagkain, at pasiglahin ang paglago ng ekonomiya.