Umabot na sa P6.8 million ang halaga ng tulong na naipamahagi ng Kagawaran ng Pagsasaka sa mga residenteng naapektuhan ng Mag 6.8 na lindol sa Mindanao.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. malaking bulto ng naturang tulong ay ibinigay sa mga magsasaka at mangingisda na nasa Region 12 na siyang sentro ng naturang lindol .
Kabilang sa mga naibigay na tulong ang mga binhi ng high value crops, planting materials, abono, at indemnity claims para sa mga magsasaka na nagkakahalaga ng P4.7 million.
Maliban dito, inabutan din ng pamahalaan ng tulong ang ilang mga mangingisda sa naturang rehiyon, katulad ng mga bagong banka at mga fishing gears na nagkakahalag ng P2.08 million.
Ayon pa kay Sec. Laurel, bibigyan din nila ng kabuuang 1,000 banana planting materials at 1,000 hybrid coconut seedlings ang mga naapektuhang magsasaka.
Magtutuloy-tuloy aniya ang naturang tulong sa pamamagitan na rin ng regional at local office ng DA, kasama na ang loan program nito sa ilalim ng Agricultural Credit Policy Council.