-- Advertisements --

Siniguro ni Department of Agriculture Sec. Francisco “Kiko” Tiu Laurel Jr. ang pagpapatuloy ng suporta ng ahensiya sa mga magsasaka.

Sa kanyang mensahe sa pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan ngayong araw, June 12, sinabi ng kalihim na makakatiyak ang mga mamamayan sa suporta ng ng DA para mapalago ang sektor ng pagsasaka, pangisdaan, at paghahayupan sa buong bansa.

Kaisa rin aniya ang DA sa pagsiguro na mayroong sapat, ligtas, at abot-kayang pagkain ang lahat ng mga mamamayan at magkaroon ng Masaganang Bagong Pilipinas.

Ayon sa kalihim, kasabay ng pagdiriwang sa Araw ng Kalayaan, ipinagdiriwang din ang kalakasan, katapangan, determinasyon, at katatagan ng bawat Pilipino.

Hiling ng kalihim na magsisilbing inspirasyon ang araw na ito upang magkaisa at ipagpatuloy ang mga nasimulan ng mga ninuno para sa isang malaya at maunlad na Pilipinas.