Posibleng bababa ang presyuhan sa kada kilo ng palay kasabay ng anihan ngayong wet season.
Ayon sa Department of Agriculture National Rice Program, una nitong namonitor ang mataas na presyuhan ng palay mula P22 hanggang P25 kada kilo noong Hunyo hanggang Hulyo.
Gayunpaman, kasabay ng pagpasok ng harvest period ngayong wet season ay mayroon na umanong namonitor na traders na bumibili ng mula P17 hanggang P18 na presyo kada kilo ng bagong aning Palay o farmgate price ng palay.
Isa sa mga lugar na nakitaan ng ganitong presyuhan ay ang Nueva Vizcaya, kung saan sunod-sunod na ang anihan ng mga magsasaka.
Ayon sa DA, posibleng magdulot ito ng pagbaba ng kita ng mga magsasaka sa iba’t ibang bahagi ng bansa, na halos magkakasabay nang nag-aani ng mga palay.