-- Advertisements --
William Dar
DA Sec William Dar/ DA FB page

VIGAN CITY – Nanawagan ang Department of Agriculture (DA) sa mga backyard hog raisers na kung maaari ay maireport kaagad sa kanila o sa mga veterinary offices ng bawat lokal na gobiyerno sa bansa kung mayroong mga namatay na alagang-baboy.

Ito ay may kaugnayan pa rin sa pagpopositibo ng ilang mga namatay na baboy sa lalawigan ng Rizal sa African Swine Fever (ASF) virus base na rin sa pag-aaral na naisagawa pa sa United Kingdom.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ni Agriculture Secretary William Dar na kung hindi mairereport sa kanila kaagad ang pagkamatay ng mga alagang-baboy, maaaring hindi mabigyan ng financial assistance ang mga ito at hindi rin sila matutulungang malinis ang lugar kung saan namatay ang mga ito.

Maaalalang sinabi ni Dar na mayroong Php 3,000 na ibibigay ang ahensya sa mga apektadong hog raisers ng ASF sa bawat alagang baboy na mamamatay.

Nag-ugat ang panawagan ng kalihim matapos na lumabas sa mga balita na mayroong mga namatay na baboy na naikalat sa ilog sa Marikina City at Quezon City nitong nakaraan.