Nangako ang Department of Agriculture (DA) na tutulungan ang mga magsasakang umaaray dahil sa mababang farmgate price ng kamatis.
Una kasing inirereklamo ng mga magsasaka ang pagbagsak ng farmgate price ng kamatis hanggang P4-P8 kada kilo kayat pinipili ng ilan na huwag na lamang mag-ani dahil sa mas malaki pa ang magagastos sa pag-ani kumpara sa kikitain kung ibebenta ang mga ito.
Ayon kay DA Spokesperson Assistant Secretary Arnel de Mesa, nakikipag-ugnayan na ang mga local office ng DA sa mga magsasaka upang mailapit ang akmang tulong sa kanila.
Kasama sa mga inirerekomenda rito ay ang maraming market linkage, transportation/logistics, atbpa.
Maaari din aniyang hanapan ang mga magsasaka ng mga outlet kung saan dadalhin ang mga inaning kamatis o kung hindi man ay ibenta ang mga ito sa Kadiwa store.
Kabilang sa mga malalaking taniman ng kamatis ay sa Cordillera, Ilocos Region, Central Luzon, at Cagayan Valley, na pangunahing nagsusuply sa ibang bahagi ng bansa tulad ng National Capital Region.
Nangako rin ang opisyal na mayroon nang nakalaan na P1.5 billion na pondo para sa pagpapalawak at pagtatayo ng karagdagan pang cold storage facility sa bansa upang matulungan ang mga magsasaka at maiwasan ang pagkasira ng kanilang mga panindang agri commodities.