Ipinag-utos ng Department of Agriculture (DA) ang pansamantalang pagbabawal sa pag-angkat ng mga hayop na susceptible o madaling kapitan ng foot-and-mouth diseases (FMD) mula sa Turkey.
Kasama rin dito ang mga produkto at by-products ng mga hayop na posibleng may FMD.
Ito ay kasunod na rin ng napaulat na FMD outbreak sa ilang lugar sa naturang bansa tulad ng Cugun, Merkez, Kirsehir, at iba pa.
Dahil sa outbreak ay inilabas ni DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang Memorandum Order 42 para pansamantala munang ipagbawal ang pag-aangkat.
Nakasaad sa naturang memo na ang pansamantalang pagbabawal ay upang maprotektahan ang local animal industry ng bansa mula sa posibilidad ng pagkalat ng FMD.
Kasabay nito, hindi na muna ipoproseso ang mga aplikasyon para sa sanitary and phytosanitary import clearance ng mga produktong ito.
Gayunpaman, lahat ng mga shipment mula sa naturang bansa na kasalukuyan nang ibinibiyahe o nakarating na sa bansa bago mag-Agosto 26 ay papayagan pa ring maipasok at maibenta sa mga palengke.