-- Advertisements --

Patuloy na kumakalap ng impormasyon ang mga opisyal ng Department of Agriculture (DA) hinggil sa mga alegasyong kinasasangkutang smuggling ng mga agricultural products mula sa China.

Sa isang pahayag ay sinabi ni Agriculture Secretary William Dar na nagpapatuloy ang kanilang ginagawang imbestigasyon tungkol sa ilang mga opisyal ng kagawaran na sangkot sa ilegal na pag-angkat ng mga gulay.

Sa ngayon ay umaasa pa rin ang kalihim na ang mga indibidwal na nakikipagtulungan sa kanila hinggil sa mga tiwaling opisyal ng kagawaran ay makapagbibigay pa ng impormasyon sa kanila.

Ayon pa kay Dar, ang sinumang mapapatunayan na guilty ay papatawan ng mga karampatang kaparusahan ng naaayon sa batas.

Magugunita na noong Lunes ay sinimulan nang dinggin sa Senado ang kasong ito kung saan sinasabi na dumoble pa ang bilang ng mga smuggled na gulay dahilan kung bakit nahihirapan ngayon ang mga lokal na magsasaka na ibenta ang kanilang sariling produkto.

Dito rin ibinunyag na may ilang matataas na opisyal ng gobyerno ang sinasabing nasa likod ng pagpapahintulot sa pagpasok ng mga ilegal na agriculture products sa bansa.