Patuloy na nagpapatupad ang Department of Agriculture (DA) ng pagbabawal sa pag-angkat ng mga domestic at wild na mga ibon, pati na rin ang mga poultry products, mula sa tatlong estado sa U.S. dahil sa mga kaso ng highly pathogenic avian influenza (HPAI) H5N1 strain.
Alinsunod ito sa inilabas na Memorandum Order 14 ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. noong Marso 4, na nagtatakda ng pansamantalang ban sa pag-aangkat ng mga ibon at poultry products mula sa Indiana, New York, at Pennsylvania.
Saklaw ng mga restriksiyon ang lahat ng domestic at wild na mga ibon, kabilang ang mga itlog, day-old chicks, semen, at iba pang kaugnay na poultry products mula sa mga nabanggit na lugar.
Layunin ng ban na protektahan ang kalusugan ng mga local poultry population dito sa bansa na may malaking kontribusyon sa paglikha ng trabaho.
Binanggit din ng DA na nakumpirma ng mga awtoridad sa Estados Unidos ang outbreak ng H5N1 sa mga nasabing estado simula noong Pebrero 20.
Dagdag pa rito, pinagbawal din ang pagproseso, pagsusuri, at pag-iisyu ng Sanitary and Phytosanitary Import Clearances para sa mga produktong ito.
Gayunpaman, pinapayagan naman ng DA ang mga shipment na nahold bago paman ianunsyo ang pag-ban basta’t ang mga produkto ay pinatay o may 14 na araw bago maitala ang outbreak sa Estado Unidos. na unang naitala noong Enero 3 sa Indiana, USA.
Ang nasabing import ban ay mananatili hangga’t hindi ito binawi sa pamamagitan ng isang kasulatan mula sa DA.