-- Advertisements --

Pinag-aaralan ng Department of Agriculture (DA) ang pagtatayo ng malalaking solar-powered ice plants upang matugunan ang labis na pagkasira ng mga agricultural products.

Sa ilalim ng inisyal na plano, sinabi ni DA Sec. Francisco Laurel Jr. na maaaring maglaan ang Philippine Fisheries Development Authority at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources ng sarili nilang pondo para sa mga planta.

Ayon sa kalihim, mataas ang ‘spoilage’ ng mga high value crops sa bansa at umaabot pa sa 35% hanggang 40%.

Sa pamamagitan ng mga malalaking planta ng yelo ay maaari aniyang masuplayan ang mga farm mula sa storage hanggang sa merkado kung kailan na ibebenta ang mga ito.

Sa fisheries sector, maaari aniyang gamitin ang malalaking bulto ng yelo sa mga cold storage para sa mga mangingisdang nagsasagawa ng deep-sea fishing. Sa pamamagitan nito aniya ay maaaring umabot pa sa pitong araw o isang linggo ang pagiging sariwa ng mga isda.

Ayon pa sa kalihim, posibleng itatayo rin ang mga planta malapit sa mga komunidad na binubuo ng mga maraming mga magsasaka at mangingisda upang mailapit sa kanila ang serbisyo ng mga ito.

Tiyak aniyang tataas ang kita ng mga ito kung mayroon silang sapat at akmang storage facilities upang ma-preserba ang kanilang mga produkto at madala ang mga ito sa mga outlet na may mas mataas na presyuhan.

Inihalimbawa ng kalihim ang kalimitang ginagawa ng mga magsasaka na local selling o sa kanilang mga lokalidad mismo ibinebenta ang kanilang mga produkto upang maiwasan ang pagkasira.

Sa pamamagitan ng akmang storage, maaari pa aniyang dalhin ang mga ito saanman nila naisin.