Pinag-aaralan na ng Department of Agriculture (DA) ang posibleng pagtanggal sa Executive Order 62, ang batas na nagpapababa sa taripa ng imported na bigas mula sa dating 35% patungong 15%.
Ayon kay Agriculture Assistant Secretary at spokesman Arnel de Mesa, kasalukuyan ng ginagawa ang pagrepaso sa naturang EO at posibleng ibalik na ang orihinal na taripa kung mapanatili ang pagbaba na ng presyo ng bigas sa international market.
Kapag nangyari ito, maaari aniyang tuluyan nang irekomenda ng DA ang pagbabalik ng orihinal na taripa sa imported rice o maaari ring hindi kasing-taas ng 35%.
Ayon sa DA official, malaki rin ang pangangailangang makakolekta ng malaking taripa.
Sa ilalim kasi ng Rice Tarrification Law (RTL), hanggang P30 billion ang mapupunta sa mga magsasaka bilang tulong.
Ang posibleng pagbabalik ng mas mataas na taripa sa imported na bigas aniya ay isa sa mga paraan upang maabot ang mas mataas na koleksiyon ng taripa.
Ang regular na pagrepaso sa EO 62 ay isa sa mga inirekomenda ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. upang mabantayan kung epektibo ito at makagawa ng akmang hakbang ang gobiyerno. Ginagawa ito kada apat na buwan.