Muling pinaghahanda ng Department of Agriculture ang mga magsasaka ng bansa kasabay ng banta ng bagyo na nasa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR).
Agad naglabas ng abiso ang DA para paalalahanan ang mga magsasaka na anihin na ang kanilang mga pananim na maaari nang anihin bago pa man ang posibleng malalakas na pag-ulan at mga paghangin.
Pinayuhan din ng ahensiya ang mga ito na dalhin sa mas ligtas na lugar ang mga binhi, planting materials, abono, at iba pang mga farm inputs, upang ligtas mula sa mga pagbaha.
Pinapatutukan din ng ahesnsiya ang kaligtasan ng mga livestock o alagang hayop, kasama na ang pagkain, inumin at gamot ng mga ito.
Para sa mga mangingisda, ipinayo ng ahensiya na hanguin na ang isda at iba pang lamang dagat mula sa mga fishpen at fishpond bago ang mga pag-ulan.
Paalala ng DA, iwasan na ang pamamalaot at huwag suungin ang malalakas na alon sa mga karagatan.