-- Advertisements --

Nagisyu na ng notice ang Department of Agriculture (DA) para pagpalinawagin ang mga retailers sa isang pamilihan sa Marikina sa hindi pagsunod ng mga ito sa itinakdang maximum suggested retail price sa mga produktong baboy at bigas.

Nahuli kasi ng departamento ang mga ito na nagbebenta ng mas mahal kumpara sa napagusapang MSRP.

Sa kanilang ikinasang random inspection sa pamilihan ay nahuli nila ang mga tindera na nagbebenta ng liempo na nasa presyuhang P430/kilo habang ang pigue at kasim naman ay mabibili sa presyong P400/kilo.

Ang presyong ito ay mas mahal kumpara sa itinakdang MSRP ng departamento na P380/kilo para sa liempo at P350/kilo naman para sa bentahan ng pigue at kasim.

Sa datos, 20% lamang ang nag-comply sa ipinapatupad na MSRP simula nang naging implementasyon na ito noong Marso 10.

Ayon naman kay DA Asec. Genevieve Velicaria-Guevarra, sinundan lamang daw ng mga retailers ang presyo ng mga dealers at maging ng mga natatanggap nilang mga deliveries.

Sa bahagi naman ng mga produktong bigas, namataan din ng DA na may mga nagbebenta ng P52/kilo ng imported premium rice sa naturang pamilihan, na siyang mas mataas kumpara sa itinakdang P45/kilo.

Ani Guevarra, madami ang suplay ng bigas ngayon ng bansa kaya hindi rin makita ng ahensya kung ano ang rason kung bakit kinailangang magtaas ng presyo ang mga retailers.

Samantala, ilang mga retailers naman ang nagsasabi na dahil sa mataas na renta sa mga pwesto ang naging dahilan ng kanilang pagtataas ng presyo.

Sa ngayon ay nakatuktok na ang departamento sa pagsasaayos at pagpapatupad ng striktong implementasyon ng MSRP’s sa mga naturang produkto.

Matatandaan kasi na maaaring maging bahagi na ng striktong implementasyon na ito ang pagsasampa ng mga kaukulang reklamo sa mga retailers na siyang nasa ilalim ng Price Act.