VIGAN CITY – Hinimok ng Department of Agriculture ang mga local government unit sa bansa na bago magdeklara ng temporary ban sa pagpasok ng mga baboy at frozen hog meat sa kanilang nasasakupan ay magkaroon muna ng proper coordination sa mga regional offices ng ahensya.
Ito ay upang maiwasan umano na maapektuhan ang kalakaran sa pagitan ng mga lalawigan sa bansa.
Sinabi sa Bombo Radyo Vigan ni Agriculture Secretary William Dar na magandang hakbang umano ang inisiyatibo ng mga LGU, lalo na ng mga provincial government ang pagpapatupad ng temporary ban sa pagpasok ng mga baboy at frozen hog meat ngunit mas maganda umanong magkaroon ng maigting na koordinasyon sa mga DA- regional offices.
Layunin nito na magkakasama umanong haharapin ng bawat isa ang kasalukuyang isyu sa mga alagang baboy ngayon sa bansa.
Una nang sinabi ng opisyal na mayroong sapat na suplay ng karne ng baboy sa bansa sa tulong ng mga commercial hog raisers kaya walang dapat na ipag-alala ang publiko lalo pa’t gumagawa naman sila ng paraan upang matukoy kung ano ang sanhi ng pagkamatay ng ilang baboy sa bansa, lalo na sa Rodriguez, Rizal.