Maglulunsad ang Department of Agriculture (DA) ng isang matinding kampanya laban sa rice pricing manipulation matapos lumabas ang mga ulat ng diumano’y pang-aabuso ng ilang mga negosyante at retailer, na nagdudulot ng pagsasamantala sa mga mamimili sa Pilipinas.
Ayon kay DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na mayroon silang sapat na dahilan upang maniwala na may ilang mga negosyante at retailer na sinadyang pinapalito ang mga mamimili sa pamamagitan ng paggamit ng mga branded na imported na bigas upang pataasin ang presyo, matapos magsagawa ng mga pagsusuri sa merkado.
Bilang bahagi ng solusyon, iminungkahi ni Laurel ang pagtanggal ng mga brand label sa mga imported na bigas.
Inutusan din niya ang pagtanggal ng mga label na tulad ng “premium” at “special” sa mga imported na bigas, dahil ito ay ginagamit upang itaas ang presyo.
Ang mga bigas na lokal na itinatanim ay hindi saklaw ng kautusang ito upang protektahan ang mga magsasaka at kanilang mga negosyo.
Ayon sa DA, ang mga datos mula sa rice supply chain ay nagpapakita na ang markup na P6 hanggang P8 kada kilo mula sa landed cost ng imported na bigas ay sapat na upang makakuha ng tamang kita.
Halimbawa, ang bigas na inimport mula sa Vietnam na may kabuuang halaga na P40 kada kilo ay hindi dapat ibenta ng higit sa P48 kada kilo.
Iniatas din ng ahensya sa legal division nito ang pagsusuri kung maaaring ipatupad ang Consumer Price Act upang pigilan ang pang-aabuso sa presyo sa industriya ng bigas.
Sa kabila ng hakbang ng Pangulong Marcos na bawasan ang taripa sa bigas mula 35% hanggang 15% noong Hulyo, nananatiling mataas ang presyo ng ilang mga brand ng bigas, na nagdudulot ng kalungkutan sa mga mamimili at sa gobyerno.
Idinagdag ni Laurel na tinitingnan niya rin ang posibilidad ng pakikipagtulungan sa Department of Finance (DOF), partikular sa Bureau of Internal Revenue, upang magsagawa ng audit sa mga financial records ng mga negosyante ng bigas upang matiyak ang pagsunod sa tamang presyo.