Inihayag ng pamunuan ng Department of Agriculture na target nilang doblehin ang budget ng ahensya para sa modernisasyon ng sektor ng agrikultura sa bansa sa susunod na taon.
Ito ang kinumpirma ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel, Jr sa isang pahayag.
Ayon sa kalihim, layon ng hakbang na ito na matiyak ang seguridad ng pagkain at matulungan ang mga magsasaka na tumaas ang kanilang inuuwing kita maging ang mga mangingisda.
Ginawa ni Sec. Laurel ang pahayag matapos ang isinagawang pagpupulong kasama ang mga private sector.
Aniya, bagamat sa ngayon ay pinaplano pa lamang nila ang panukalang pondo ngunit malinaw aniya ang direksyon ng ahensya hinggil dito.
Aabot sa P513.81 bilyon ang panukalang pondo para sa susunod na taon mula sa P208.58 bilyon ngayong taon.
Suporta naman ang hiling ng kalihim sa pribadong sektor para maisakatuparan ang nasabing budget.
Sa ilalim nito ay tututukan ng ahensya ang pagpapagawa ng mas maraming farm infrastructures, kabilang ang mga irigasyon at post-harvest facility.