Pinag-aaralan na ng Department of Agriculture ang pagpapalawak sa bagong-lunsad na Bigas-29 sa iba pang lugar sa bansa.
Ang naturang programa ay inilunsad lamang nitong nakalipas na linggo kung saan ay makakabili ang mga mahihirap na sektor, senior, PWD, at mga solo parents ng bigas na P29 kada kilo at limitado ito ng hanggang sampung kilo sa isang buwan.
Ayon kay Agriculture Spokesperson Assistant Secretary Arnel De Mesa, malapit nang buksan ng DA ang iba pang mga outlet kung saan ibebenta ang murang bigas.
Sa kasalukuyan aniya ay kinakailangan na lamang umanong ayusin ang ilang mga tuntunin na susundin sa ilalim nito bago ang tuluyang pagbubukas pa sa ibang mga lugar.
Isa sa mga ikinukunsidera dito ay ang pagbubukas ng mga outlet sa mga komyunidad na malapit sa mga benepisyaryo o may mataas na populasyon ng mga benepisyaryo upang hindi na sila kailangan pang bumiyahe at dumayo sa malalayong outlet.
Ayon kay De Mesa, maaaring ilulunsad na ang naturang programa sa Visayas at Mindanao sa susunod na buwan ng Agosto.
Nananatili naman aniyang sapat ang supply ng bigas na ibinebenta sa naturang halaga, sa tulong na rin ng National Food Authority (NFA).