Plano ng Department of Agriculture (DA) na palawakin pa ang mga food hub nito sa ibat ibang bahagi ng bansa.
Ayon kay Sec. Francisco Tiu Laurel Jr., ito ay upang makatugon sa pangangailangan ng mga magsasaka na karagdagang merkado kung saan nilang maaaring dalhin ang kanilang mga produkto.
Ayon sa kalihim, kung makapagtatayo ng mga food hub, maaari nang dalhin dito ng mga magsasaka at kooperatiba ang kanilang mga produktong pang-agrikultura at maaaring direktang bumili dito ang mga konsyumer.
Mas mapapadali rin aniya ang transaksyon sa pagitan ng mga magsasaka at mga konsyumer o mga traders, dahil direkta na ang bilihan ngmga produkto.
Maliban dito, matitiyak din ang sapat na supply ng mga agri products dahil tiyak na magiging regular ang pag-supply ng mga magsasaka.
Malaki aniya ang pangangailangan na makapagtayo ng maraming food hub o food terminal dahil sa kakaunti pa lamang ang naitatayo sa mga lugar na nangangailangan ng serbisyo nito.
Pinaplano naman ng kalihim na gawin itong bahagi ng logistics roadmap ng DA.
Samantala, batay sa mga inisyal na itinatayong food terminal ng DA, maliban sa bagsakan ang mga ito ng mga panindang pag-arikultura, mayroon ding mga cold storage at dry warehouses sa mga ito, na maaaring gamitin ng mga magsasaka.