-- Advertisements --

Plano ni Department of Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr. na tanggalin na ang mga brand label tulad ng ‘premium’ at ‘special’ mula sa imported rice.

Naniniwala kasi ang kalihim na ginagamit lamang ng mga rice trader ang mga naturang label para lamang pataasin ang presyo ng bigas, lalo na sa retail level.

Paliwanag ng kalihim, matapos ang isinagawang serye ng konsultasyon at pagbisita sa mga palengke, natukoy nila ang paggamit ng mga retailer at mga trader sa mga naturang label para lamang bigyang-katwiran ang inilalatag nilang mataas na presyo.

Sa pamamagitan ng mga naturang label ay nililito aniya ng mga retailer ang mga konsyumer.

Dahil dito, mas nakabubuti aniyang tanggalin na ito upang hindi maging dahilan ng patuloy na panloloko sa mga konsyumer.

Nanindigan ang kalihim na ang pag-import ng bigas ay hindi isang karapatan kungdi isang probilehiyo.

Kung hindi aniya ‘willing’ ang mga trader na sumunod sa mga regulasyon ng bansa, pipigilan na ng DA ang paglabas ng permit para sa rice importation.

Muli ay nagbabala ang kalihim sa mga importer at mga trader na kakanselahin ang kanilang importation permit kung mabibigo silang sumunod sa regulasyon ng bansa, o kung mapapatunayang sinasabutahe nila ang supply at presyuhan ng bigas sa mga merkado.