Kasunod ng pag-apruba ng National Food Authority (NFA) Council na pagbebenta sa mga lumang NFA rice sa presyong P29 kada kilo, inaaral ngayon ng Department of Agriculture na umangkat ng daan-daang libong tonelada ng bigas.
Ito ay upang masuportahan ang naturang inisyatiba.
Ayon sa DA, maaari itong umangkat ng hanggang 363,697 metriko tonelada ng bigas upang madagdagan ang national buffer stock habang bibili naman ang NFA ng kabuuang 559,535 MT ng palay mula sa mga lokal na magsasaka.
Ang mahigit 559,000 metriko tonelada ng palay ay katumbas ng aangkating volume ng bigas ng DA.
Ayon sa ahensiya, tinatayang gagastos ang Pilipinas ng hanggang P28.39 billion para makabili ng sapat na buffer stock ng hanggang 19 days.
Dahil sa tanging ang mga pribadong kumpanya lamang ang maaaring umangkat ng bigas sa ilalim ng RTL (Rice Tariffication Law), ipinaliwanag ni DA assistant secretary at spokesperson Arnel de Mesa na kakailanganin pa rin dito ang clearance ng pamahalaan.
Maari aniyang gamitin ang dalawang paraan: una ay ang pag-amyenda sa RTL (Rice Tariffication Law) sa pamamagitan ng Kongreso; pangalawa ay ang paglalabas ng isang EO (executive order) na magbibigay daan sa pag-angkat ng bigas sa ilalim ng Price Act.
Maaalalang sa unang pagtaya o forecast ng United States Department of Agriculture (USDA) posibleng aangat ng 500,000 MT ng bigas ang aangkatin ng Pilipinas sa 2024 at 2025.
Ngayong taon ay maaari umanong aabot sa 4.6 million MT ang aangkatin ng bansa.
Ibig sabihin, mangunguna pa rin ang Pilipinas na pinakamalaking importer ng bigas sa buong mundo.