-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Ipinag-utos na ng Department of Agriculture (DA) sa Bicol ang pag-disinfect ng mga backyard piggeries at slaughterhouses sa rehiyon.

Sa nangyaring pulong na dinaluhan ng mga provincial at local veterinarians, binanggit na may magi-sponsor na sa pag-disinfect o paglilinis ng mga ito upang matiyak na ligtas sa anumang nakakahawang sakit ang mga alagang baboy.

Ayon kay National Meat Inspection Services (NMIS) Bicol Director Alex Templonuevo, bahagi ang hakbang ng preliminary efforts habang pinaigting na rin ng Bureau of Animal Industry ang pagbabantay sa animal checkpoints.

Naglatag na rin ng quarantine guards sa mga pantalan lalo na sa Matnog, Sorsogon na ‘gateway’ sa Visayas at Mindanao.

Ipinaalala pa ni Templonuevo na dapat suriing maigi ang mga buhay na baboy o meat products kung dumaan sa mga qualified slaughterhouses partikular na sa mga lungsod ng Sorsoson, Ligao, Iriga, Naga at Legazpi.

Sa kasalukuyan, hinihintay pa ang resulta ng ipinadalang sample sa Spain na aabutin ng dalawang linggo o tatlong buwan, upang mabatid kung ano ang sakit na tumama sa ilang namatay na baboy sa Rizal.