CAUAYAN CITY – Nagsimula na rin ang pamamahagi ng Department of Agriculture (DA) Region 2 ng mga ayudang binhi pangunahin na ang inbred at hybrid seeds sa mga magsasaka.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay DA Region 2 Executive Director Narciso Edillo, sinabi niya, ipinakiusap nila sa mga municipal at Ciy agriculture Office na bilisan at huwag nang patagalin ang pamamahagi ng mga binhi sa mga magsasaka dahil maraming mga magsasaka na ang naghahanda na ng kanilang mga punlaan para muling makapagpunla.
Nilinaw naman ng DA na libre ang paghahatid ng mga ayudang binhi sa mga barangay kung saan may mga magsasakang benipisyaryo alinsunod naman sa kasunduan ng DA at ng mga local government units.
Aniya, mismong ang mga lokal na pamahalaan na ang kumukuha o komokontrata sa mga maghahatid ng mga ayudang binhi at mga abono.
Sa kabila nito tinitiyak ng DA na rehistrado sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA) ang mga magsasakang nabibigyan ng ayuda mula sa kagawaran.
Maliban naman sa mga binhi ng palay at abono ay aasahan ring masisimulan na ang pamamahagi ng binhi ng mais sa mga corn farmers na naapektuhan ng mga pag-ulan sa bahagi ng Cagayan River basin.