Mahaharap sa patung-patong na kaso ang mga may-ari ng babuyan na mapapatunayang nagpabaya at nagtapon basta ng kanilang alagang baboy na namatay o nagkasakit.
Ito ang babala ni Department of Agriculture Sec. William Dar matapos maiulat ang kaso ng mga patay na baboy na nakitang palutang-lutang sa ilog ng Quezon City at Marikina.
Ayon sa kalihim, paglabag ito sa Republic Act 8485 o Animal Welfare Act at RA 9003 o Solid Waste Management Act.
Karapatan daw kasi ng mga namatay na alagang hayop ng proper disposal o paglibing.
Hindi rin umano dapat itinatapon kung saan saan ang mga namatay na alagang hayop.
Kaya kung mapapatunayan na ang isang hog raiser ay lumabag sa mga ito, kulong at multa ang tiyak na haharapin nilang parusa.
“It was utterly irresponsible on the part of the backyard raisers as they did not only violate current laws, but their misdoing also spread the disease pathogens much faster,” ani Dar.
“The irresponsible dumping of dead pigs simply adds scare to the public, and this should not be tolerated. The perpetrators must be punished in accordance with the law.”
Umapela din ang kalihim sa may-ari ng mga piggery at local government unit na hayaan ang mga beterinaryo na mangasiwa sa testing.
Pinagsabihan naman ni Sec. Dar ang lokal na pamahalaan ng Quezon City matapos mag-anunsyo na 11 baboy sa Brgy. Bagong Silangan ang nag-positibo rin African Swine fever (ASF).
Ayon sa kalihim, makabubuti kung suportado ng test results ang anunsyo ng local government unit para hindi magdulot ng dagdag na pangamba sa publiko.
Bukod sa Quezon City at Marikina, naitala rin ng DA ang kaso ng pagtatapon ng patay na baboy sa isang transport terminal sa Bambang, Nueva Vizcaya.