-- Advertisements --
William Dar 1
DA Secretary William Dar

VIGAN CITY – Nanawagan ang Department of Agriculture (DA) sa mga backyard hog raisers na kung maaari ay mai-report kaagad sa kanila o sa mga veterinary offices ng bawat lokal na gobiyerno sa bansa kung mayroong mga namatay na alagang-baboy.

Ito ay may kaugnayan pa rin sa pagpopositibo ng ilang mga namatay na baboy sa lalawigan ng Camarines Sur sa African Swine Fever (ASF) virus base na rin sa pag-aaral na naisagawa at sa pag-amin ng ilang mga hog raisers na itinago nila sa kinauukulan ang pagkamatay ng kanilang mga alagang-baboy noon pang Enero.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ni Agriculture Sec. William Dar na kung hindi mairereport sa kanila kaagad ang pagkamatay ng mga alagang-baboy, maaaring hindi mabigyan ng financial assistance ang mga ito at hindi rin sila matutulungang malinis ang lugar kung saan namatay ang mga ito.

Maaalalang sinabi ni Dar na mayroong P5,000 na ibibigay ang ahensya sa mga apektadong hog raisers ng ASF sa bawat alagang baboy na idadaan sa culling operation at mayroon pang loan assistance na maaari nilang i-avail para sa kanilang pagsisimulang muli sa kanilang negosyo.