LEGAZPI CITY – Ipinaalala ng Department of Agriculture (DA) ang paggamit ng early warning system ng mga lokal na pamahalaan lalo na sa panahon ng tag-ulan at typhoon season.
Pinuri ni Agriculture Sec. William Dar ang mga local government units na mahigpit ang pagsunod sa 10 araw na pagbibigay-abiso sa mga magsasaka bago pa man ang pagpasok ng posibleng sama ng panahon upang makapaghanda.
Sa pagtatanong ng Bombo Radyo Legazpi kay Dar, sinabi nito na magandang development umano ang epektibong disaster management upang maprotektahan ang buhay, produkto at mga alagang hayop ng mga residente lalo na sa Bicol na madalas na daanan ng mga bagyo.
Mas maigi rin aniya na itanim ng mga magsasaka ang vegetable crops na kayang maka-survive sa anumang phenomena sa bansa.
Dagdag pa ni Dar na pinag-aaralan na rin ngayon ang ahensya ng approach na climate at market-oriented na magiging oportunidad para sa mas malaking kita ng mga magsasaka.
Nasa lungsod si Dar maging si Senate Committee on Agriculture chair Sen. Cynthia Villar para sa pagdiriwang ng 18th National Vegetable Congress.