-- Advertisements --

VIGAN CITY – Muling hiniling ng Department of Agriculture (DA) sa ilang mga local government units sa bansa na luwagan nila ang mga isinasagawang quarantine checkpoint sa kanilang lugar kaugnay ng pagpasok ng African Swine Fever sa bansa.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ni Agriculture Secretary William Dar na kung mayroon umanong sapat na dokumento kagaya ng veterinary health certificate o certificate mula sa National Meat Inspection Service (NMIS) ang mga buhay na baboy at pork products na nais ipasok sa isang lugar ay marapat lamang na payagang maipasok ang mga ito.

Ito ay upang hindi maapektuhan ang kalakaran sa pagitan ng mga lalawigan sa bansa.

Ayon kay Dar, magandang hakbang umano ang inisiyatibo ng mga LGU, lalo na ng mga provincial government na magpatupad ng temporary ban sa pagpasok ng mga baboy, frozen hog meat at iba pang pork products sa kanilang lugar ngunit mas maganda umanong magkaroon ng maigting na koordinasyon sa mga DA-regional offices.

Layunin nito na magkakasama umanong haharapin ng bawat isa ang kasalukuyang isyu sa mga alagang baboy ngayon sa bansa.