VIGAN CITY – Mag-iikot umano sa buong bansa si Department of Agriculture (DA) Sec. William Dar upang makiusap sa iba’t ibang provincial governments na tumulong sa pagsugpo sa problema ng bansa hinggil sa pagbaba ng presyo ng mga produktong palay ng mga magsasaka.
Ito ay dahil isa umano ang pagbaba ng presyo ng palay sa dalawang pangunahing suliranin sa bansa na nais na matugunan kaagad ni Dar sa kaniyang panunungkulan sa kagawaran, maliban sa isyu ngayon sa pagbababoy.
Sa kaniyang talumpati sa isinagawang stakeholders’ forum at pamamahagi ng mga farm machineries at iba pang proyekto ng ahensya sa mga magsasaka at mangingisda sa lalawigan ng Ilocos Sur, sinabi ng kalihim na kung sakali mang sumang-ayon ang mga gobernador sa kaniyang kahilingan, maaari umano nilang sundin ang presyo ng National Food Authority na P17 per kilo sa pagbili ng kada sako ng palay ng mga magsasaka sa kanilang lugar na nasasakupan.
Sa ngayon, pang-apat pa lamang ang lalawigan ng Ilocos Sur na sumang-ayon umano sa kahilingan ng kalihim, maliban sa lalawigan ng Ilocos Norte, Nueva Ecija at Isabela.
Kung maaalala, maraming mga magsasaka sa bansa ang umaangal sa mababang presyo ng kanilang produktong palay dahil maraming mga imported na bigas ang naibebenta ngayon sa merkado na epekto na rin ng Rice Tarrification Law.